Friday, July 11, 2008

I. ANG BANAL NA KASULATAN

Ang Banal na Kasulatan ay sinulat ng mga lingkod na pinili ng Diyos at kinilos ng Santong Espiritu. Ang Biblia o Banal na Kasulatan ay ang nakasulat na kapahayagan ng Diyos sa sangkatuhan. Ang Biblia ay isang ganap na pamantayan ng pananampalataya at pamumuhay sa harapan ng Diyos. Samakatwid, sa pamamagitan nito, lahat ng kilalang credo, mga pangrelihiyong opinion, at pag-uugali ng tao ay marapat na sukatin.

Ang Banal na Kasulatan ay binubuo ng 66 aklat, 39 na aklat sa Matandang Tipan at 27 aklat sa Bagong Tipan. Ang bawat salita sa Biblia ay kinasihan ng Diyos, sa madaling sabi, lahat ng ito’y nagmula sa bibig ng Diyos at nangangahulugan na ang Diyos ang may akda ng Biblia.


II. ANG DIYOS

Mayroon lamang iisa at tanging iisang buhay at tunay na Diyos. Siya ay isang matalino, personal at espirituwal na Persona, ang Manlilikha, Manunubos, Tagapag-ingat, at Pinuno ng buong kalawakan. Ang Diyos ay walang limitasyon sa kabanalan at sa pagiging ganap. Sa kanya tayo’y dapat na magbigay ng pinakamataas na pag-ibig, paggalang, at pagsunod. Ang walang hanggang Diyos ay nagpahayag ng Kanyang sarili sa atin bilang Ama, Anak, at Santong Espiritu na may magkakaibang mga katangiang pang personal, ngunit walang pagkakahati ng kalikasan, diwa o pag-iral.

1. ANG DIYOS AMA

Ang Diyos Ama ay naghahari at nangangalga sa Kanyang sansinukob, sa Kanyang mga nilalang, at sa takbo ng kasaysayan ayon sa panukala ng Kanyang biyaya. Siya ay lubos na makapangyarihan, lubos na mapagmahal, at lubos na napakarunong. Ang Diyos ay Amang tunay doon sa mga nagiging anak ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo. Siya ay tunay ngang Ama sa pakikitungo niya sa lahat ng tao. Ang Diyos sa Kanyang orihinal na kalagayan ay hindi maaaring makita ninuman. Subalit Siya ay maaaring magpakita sa Kanyang mga nilalang sa pamamagitan ng pag-aanyong tao o anghel.

2. ANG DIYOS ANAK

Si Jesu-Cristo ang walang-hanggang Anak ng Diyos at Siya ay Diyos. Sa Kanyang pagkakatawang tao bilang Jesu-Cristo, Siya ay ipinaglihi sa pamamagitan ng Espiritu Santo at isinilang ni Birheng Maria. Siya’y nanatiling Diyos habang nasa katawang tao, ngunit hindi isinagawa ang lahat ng Kanyang karapatan bilang Diyos habang nasa anyong tao. Nanatili Siyang kapantay ng Diyos sa kalikasan bilang Diyos, bagamat napapasakop sa Diyos Ama sa mga aspetong pangtungkulin at pangkaugnayan. Ganap na ipinahayag at tinupad ni Cristo ang kalooban ng Diyos, Kanyang tinaglay ang ang mga hinihingi at mga kailangan ng kalikasan ng tao at Kanyang itinulad ng lubos ang Kanyang sarili sa sangkatauhan ngunit hindi nagkasala. Kanyang iginalang ang kautusan ng Diyos sa pammagitan ng personal na pagsusnod, at sa Kanyang kamatayan sa krus Siya’y nagkaloob ng pantustos para sa katubusan ng lahat ng tao mula sa kasalanan. Siya’s nagbangon mula sa kamatayan na mayroong niluwalhating katawan at nagpakita sa Kanyang mga alagad bilang Siya na nakasama nila bago Siya ipako sa krus. Siya’y naparoon sa langit at ngayon ay natanghal sa kanan ng Diyos kung saan Siya ang nag-iisang Tagapamagitan, na taglay ang kalikasan ng Diyos at kalikasan ng tao, at sa Kanya ay pinagtibay ang pagkakasundo ng Diyos at ng tao. Siya’y babalik na may Kapangyarihan at kaluwalhatian upang hatulan ang buong mundo at tapusin ang Kanyang misyon ng pagtutubos. Siya ngayon ay nananahan sa lahat ng mananampalataya bilang buhay at laging kasamang Panginoon.

3. ANG DIYOS ESPIRITU SANTO

Ang Espiritu Santo ay ang Espiritu ng Diyos. Siya ay isang persona kung paano na ang Ama at ang Anak ay mga persona. Kinilos niya ang mga banal na lalaki ng Diyos noon upang isulat ang mga Kasulatan. Sa pamamagitan ng pagbibigay liwanag (illumination) Kanyang tinutulungan ang mga tao upang maunawaan ang katotohanan. Kanyang itinataas si Cristo. Sinusumbatan niya ang sanlibutan tungkol sa kasalanan, sa katuwiran, at sa paghatol. Tinatawag niya ang mga tao patungo sa ating Tagapagligtas at isinasagawa niya ang kapanganakang-muli. Kanyang binabautismuhan niya ng Kanyang kapuspusan ang lahat ng sumampalataya kay Cristo at Kanyang inilalagay sila sa iglesia, ang Katawan ni Cristo. Kanyang nililinang ang ugaling Cristiano sa mga mananampalataya, sila’y Kanyang inaaliw, at nagkakaloob ng mga kaloob na espirituwal na sa pamamagitan ng mga iyon ay naglilingkod sila sa Diyos sa pamamagitan ng iglesia. Kanyang tinatatakan ang mga mananampalataya para sa araw ng huling katubusan. Ang Kanyang presensya sa isang Cristiano ay ang katiyakan ng Diyos upang dalhin ang mananampalataya sa buong sukat ng pagkatao ni Cristo. Kanyang pinupuspos ang mananampalataya at ang iglesia ng Kanyang kapangyarihan at, bilang bunga nito, kanilang nauunawaan ang mga katotohonang espirituwal and sila’y binibigyan ng kapangyarihan sa pagsamba, pag-eebanghelismo, at paglilingkod.

III. ANG TAO

Ang tao ay nilalang ng Diyos sa espesyal na kaparaanan at pinakakakaiba sa lahat ng Kanyang mga nilalang. Sa lahat ng nilalang ng Diyos tanging ang tao lamang ang nilalang ayon sa wangis at larawan ng Diyos. Nang pasimula ang tao ay lubhang ganap; siya ay walang malay sa kasalanan at siya ay pinagkalooban ng Diyos ng kalayaan sa pagpili o pagpapasiya. At sa pamamagitan ng kanyang kalayaan sa pagpapasiya, kanyang pinili na sundin ang alok ni Satanas na kanin ang bunga ng puno na ipinagbawal ng Diyos na kanin niya. Dahil dito ang tao ay nagkasala sa Diyos at kanyang pinapasok ang kasalanan dito sa daigdig na siyang nagbunga ng kamatayan para sa lahat. Dahil din sa kasalanang iyon, lahat ng kanyang anak, ang buong sangkatauhan, ay lubos na humina ang panlaban sa kasalanan. Ang lahat ng tao ay nagkaroon ng malakas na pagkiling sa kasalanan. At sa oras na sila’y magkaroon na ng kakayanang gumawa ng mga moral na kapasyahan, sila’y nagiging mga makasalanan dahil sa pagkakasala at nahihiwalay sa Diyos at napapailalim sa Kanyang parusa (Roma 6:23). Sinabi ng Biblia na ang lahat ng tao ay nahiwalay sa Diyos (Roma 3:10-12) at nagkasala at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos (Roma 3:23). Tanging si Jesu-Cristo lamang ang makapagbabalik sa tao sa isang banal na kaugnayan sa Diyos at makapgbibigay ng buhay na kalugod-lugod sa Diyos.



IV. ANG KALIGTASAN

Ang kaligtasan ay tumutukoy sa katubusan ng buong katauhan ng isang tao at ito’y iniaalok sa lahat ng tao at ipinagkakaloob sa lahat ng mga tunay na sumasampalataya kay Jesu-Cristo. Sa malawak na pakahulugan, napapaloob sa kaligtasan an kapanganakang-muli (born again experience), ang pagbabanal (sanctification), at pagluluwahati (glorification).



1. ANG KAPANGANAKANG MULI

Ang kapanganakang muli ay gawa ng Diyos sa buhay ng isang tao matapos na siya ay manalig kay Cristo (Juan 1:12,13; 3:3-5) o matapos na siya’y tumalima sa Salita ng Diyos na kanyang narinig (1 Pedro 1:23). Ang kapanganakang muli ay nagdudulot ng bagong buhay sa sinumang nakararanas nito. Kung papaano ang bagong silang na sanggol ay may bagong buhay dito sa mundo, gayun din naman, ang sinumang nakaranas ng kapapanganakang espirituwal ay mayroon din bagong buhay na espiritual.

2. ANG PAGBABANAL

Ang pagbabanal ay isang karanasan, simula ng maipanganak na muli ang isang tao, na kung saan ang isang mananampalataya ay itinatalaga para sa layunin ng Diyos, at siya ay binibigyan ng kakayanan na umusad tungo sa moral at spiritual na kaganapan sa pamamagitan ng prensensya at kapangyarihan ng Espiritu Santo na nananahan sa kanya. Ang pagbabanal o sanctification ay nararapat na magpatuloy sa buong buhay ng isang naipanganak na muli. Ang pagluluwalhati ay ang sukdulan ng kaligtasan at ang kahuli-hulihang maluwalhati at walang hanggang kalagayan ng mga tinubos ni Cristo.


V. ANG KASALANANG NAGAWA MATAPOS MALIGTAS

Hindi lahat ng kasalanan na nagagawa ng isang tao matapos na siya ay maligtas ay nagbubunga ng kamatayang espirituwal. Mayroon lamang isang kasalanan na nagdudulot ng kamatayang espirituwal. Ito’y walangiba kundi ang pagtalikod sa pananamplataya kay Cristo. Sa Hebreo 3:12,13, binaggit ng sumulat ang ganito: “Mga kapatid, ingatan ninyong huwag sumama ang sinuman sa inyo at mawalan ng pananampalataya hanggang sa talikdan ang Diyos na buhay. Sa halip, magpaalalahanan kayo araw-araw, habang may panahon pa, upang ang sinuman sa inyo’y di madaya at maging alipin ng kasalanan.” Kapag ang isang mananampalataya ay dumating sa punto na siya ay mawalan ng pananampalataya kay Cristo at siya ay tumalikod na sa Diyos, ang mananampalatayang iyon ay hindi na mananampalataya. At dahil sa siya ay hindi na mananampalataya, siya ay hindi na ligtas sapagkat ang isang tao ay naliligtas lamang kung siya ay nananampalataya kay Jesu-Cristo (Gawa 16:31; 1 Juan 5:13).

Bukod sa kasalanan ng pagtalikod sa Diyos, lahat ng kasalanan na nagagawa ng isang Cristiano ay hindi nagdudulot ng kamatayang espirituwal. Sa gayon, hindi dapat manghinawang bumalik sa Diyos ang isang nagkakasala sa pamamagitan ng pagsisisi. Sa kabilang dako, hindi rin dapat na tingnan ng isang Cristiano ang kasalanan bilang isang magaang na bagay sapagkat maaaring madaya ng kasalanan ang isang Cristiano sa sukdulan na siya’y maging alipin muli nito at huli’y siya ay tumalikod sa Diyos.

Sa madaling sabi, ang kaligtasan ay maaaring mawala, hindi dahil sa mga kasalanan na nagawa, kundi dahil sa pandaraya ng kasalanan na maaaring magtungo sa pagkawala ng pananampalataya at pagtalikod sa Diyos.


VI. ANG IGLESIA

May dalawang uri ng Iglesia na makikita sa Bagong Tipan: (1) Ang Iglesiang Pangkalahatan at (2) Ang Iglesia-lokal.

Ang Iglesiang pangkalahatan ay binubuo ng lahat ng mga nananampalataya kay Jesu-Cristo mula sa iba’t-ibang panig ng daigdig at mula sa iba’t-ibang panahon simula na ang Panginoong Jesu-Cristo ay bumalik sa langit. Ito ang Kanyang titipunin sa alapaap sa Kanyang muling pagbabalik.

An Iglesia-lokal, sa kabilang dako ay binubuo ng mga mananampalataya kay Cristo na nagtitipon sa isang lugar sa takdang araw upang isagawa ang mga gawain ng paglilingkod tulad ng pagsamba, pag-aaral ng Salita ng Diyos, pag-titipon-tipon ng mga kapatiran, at pag-babahagi ng Ebanghelyo.


VII. ANG ORDINANSA NG IGLESIA

Ang Panginoong Jesu-Cristo ay nag-iwan lamang ng iisang utos o ordinansa para isagawa ng iglesia bilang pag-alaala sa Kanya. Ang ordinansang ito ay ang Banal na Hapunan (1 Corinto 11:23-34). Malinaw na binigyan ni Pablo ng instruksyon ang iglesia sa Corinto ukol sa Banal na Hapunan kung kaya’t ang gawaing ito ng iglesia ay nararapat na magpatuloy hanggang sa muling bumalik ang Panginoong Jesu-Cristo. Sa kabilang dako, ang Bautismo sa Tubig ay hindi kailanman iniutos ng Panginoon para sa mga mananampalatayang Cristiano, higit lalo na sa mga Cristianong Hentil. Sa katunayan, makikita natin si Apostol Pablo na hindi lubhang interesado sa pagbabautismo (1 Corinto 1:17).


VIII. ANG PANANAMBAHANG CRISTIANO

Ang pananambahang Cristiano ay nararapat na ibigay sa Diyos – Ama, Anak, at Espiritu Santo – at tanging sa Kanya lamang; hindi sa mga naghel, mga santo, o kung kanino pa man, kundi sa Diyos lamang ng Biblia.
Ang mga pananalangin na may pasasalamat, bilang bahagi ng pnanambahang Cristiano, ay hinihingi ng Diyos mula sa lahat ng Cristiano na ialay sa Kanya.
Sa pananambahang ito, kasama ang pagbasa ng Banal na Kasukatan, pag-aawitang mula sa puso, pangangaral o pagtuturo ng Salita ng Diyos, at ang pagsasagawa ng Banal na Komunyon na para lamang sa mga mananampalatayang Cristiano. Ang lahat ng ito’y dapat isagawa at lahukan ng bawat mananampalataya na may paggalang at pagkatakot sa Diyos.


IX. ANG KALAGAYAN PAGKATAPOS NG KAMATAYAN

Ang katawan ng bawat tao matapos mamatay ay nagbabalik sa alabok, ngunit ang kaluluwa ng mananampalataya ay magtutungo sa langit upang hintayin ang katubusan ng kanyang katawan. Ang kaluluwa ng mga makasalanan ay nagtutungo sa impiyerno upang dumanas ng pahirap hanggang sa Araw ng Paghuhukom. Sa araw na iyon, ang lahat ng mananampalataya ay bibigyan ng kaukulang gantimpala, ngunit ang mga makasalanan ay mawawalang parang bula (Pahayag 20:11-15)

X. ANG MGA HULING KAGANAPAN

Sa Huling Araw, ang lahat ng mga mananampalataya kay Cristo na hindi pa dumaranas ng kamatayan ay hindi na daranas ng kamatayan, sa halip, sila ay babaguhin. At lahat ng mga namatay na Cristiano ay muling bubuhayin; ang kanilang katawan, saan man ito naroon ngayon, ay muling iuugnay sa kanilang kaluluwa at bibigyang buhay na may kakaibang taglay na katangian at hindi na tulad ng dating katawan. At lahat ng mananampalatayang Cristiano, sa Araw na iyon, ay titipunin sa alapaap upang katagpuin si Cristo sa himpapawid (1 Tesalonica 4:16-17) at Siya’y maghahari sa lupa ng isang libong taon kasamaang mga mananampalataya. Pagkatapos ng 1000 taon, ang huling paghuhukom ng Diyos ay magaganap. Lahat ng tao ay tatanggap ng kanya-kanyang kaukulang gantimpala at kaparushan (Pahayag 20:1-15)

XI. ANG BAGONG LANGIT AT ANG BAGONG LUPA

Ang mga langit at lupa ay mapaparam. Ang mga ito’y tutupukin ng apoy at ang lahat ng bagay sa lupa ay malalantad. Subalit ipinangako ng Diyos na muli Siyang lalalang ng Bagong Langit at Bagong Lupa kung saan ang lahat ng mga matuwid kay mananahan. Ang Bagong Langit at Bagong Lupang ito ilalarawan ng kabanalan, kagandahan, at kaganapan. Walang masama at maruming bagay ang maaaring manahan dito.